Maagang pamasko, natanggap na ni Vhong Navarro
Isang maagang regalo ngayong kapaskuhan ang natanggap ng TV host-comedian na si Vhong Navarro na pansamantalang nakalaya matapos ang halos mahigit tatlong buwan na pamamalagi sa kulungan.
Nitong nagdaang Lunes, Disyembre 5, pinayagan ng Taguig Regional Trial Court Branch 69 ang inihaing piyansa ng TV host mula sa naging kaso na kinkaharap nito mula sa mga kasong isinampa ng modelo na si Deniece Cornejo.
Matatandaan na dalawang buwan na nanatili sa poder ng National Bureau of Investigation (NBI) si Vhong bago ilipat sa Taguig City Jail kung saan siya napiit ng dalawang linggo.
Ayon sa naging ulat ng ABS-CBN News, isang milyong Piso (1,000,000,00) ang halaga ng inihaing piyansa ng kampo ni Vhong na inirekomenda ng Taguig Regional Trial Court Branch 69 para makalaya ang TV host-comedian.
Martes, Disyembre 6, nakalabas ng Taguig City Jail si Vhong na ikinatuwa ng kanyang mga mahal sa buhay kabilang na ang kaniyang misis na si Tanya Bautista.
Sa parehong ulat, inihayag ni Tanya ang kaniyang saloobin sa magandang balita na ito.
“Sobrang happy,” ani Tanya. “It’s going to be a blessed Christmas for the family.”
“We deal with things one at a time. Sumusunod lang tayo sa process. This time, ito na ‘yon. We were granted bail and we are so thankful,” sambit pa niya.
Pansamantala man nakalaya, tuloy ang proseso ng kaso ni Vhong na diringin są mga susunod na araw.
Samantala, sa naging panayam ng PUSH kamakailan sa ex wife ni Vhong na si Bianca Lapus, inihayag nito ang kaniyang suporta sa hinaharap na laban ni Vhong.
“Of course, we stand by Vhong, we know the truth will prevail and naniniwala talaga kami na walang kasalanan si Vhong,” ani Bianca.
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung kailan muling mapapanood si Vhong sa It’s Showtime kung saan bahagi siya bilang host.