Direk Joel Lamangan on ‘My Father, Myself’: ‘Ito ang kauna-unahan kong MMFF na R-18, napakagandang karanasan’

Direk Joel Lamangan on ‘My Father, Myself’: ‘Ito ang kauna-unahan kong MMFF na R-18, napakagandang karanasan’

Ibinahagi ni direk Joel Lamangan ang kanyang saloobin sa pagkatanggap ng R-18 rating ng kanyang pelikula.

R-18 or for adults only ang classification ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa pelikulang My Father, Myself ni Direk Joel Lamangan. Isa ang pelikula na pinagbibidahan nina Sean de Guzman, Dimples Romana, Tiffany Grey, at Jake Cuenca sa official entry sa 2022 Metro Manila Film Festival.

Maselan daw kasi ang tema ng pelikula at hindi ito angkop na mapanood ng mga bata.

“Ang lahat ng pelikulang Pilipino ay ipinapasok sa MTRCB upang kanilang i-classify. Walang hindi ipinapasok.

“Ang hindi lang ipinapasok, yung mga hindi lang ipinapalabas sa mga mainstream theaters. Pagka’t MMFF ito, ipinapasok talaga ito sa MTRCB.

“Ako ay dating deputy ng MTRCB so alam ko ang kalakaran. Ang bawat isang tao, ang bawat isang grupo ng tao, may iba’t ibang perception sa isang pelikula.

“May isang grupo ng tao na sasabihin, ‘Ay! Pangmatatanda lang iyan!’ ‘Ay! Ito pambata!’ ‘Ay! Ito panggitna!’ ‘Ay! Ito pambakla, pangganito, pangganyan, pangganoon!’ Dahil ang pelikula ay isang sining, iba-iba ang pagtingin sa pelikula,” pahayag ng batikang direktor.

Patuloy niya, “Sa MTRCB, nang pinanood nila, ang tingin nila ay napakaganda ng pelikula pero napakadelikado ng tema. Napakadelikado ng tema, nagpakita ako ng mga love scene, ng bakla. Delikado daw ang tema.

“Sa kanilang perception, yon ay pang-adult. Sa perception ko, yon ay pang-hindi gaanong adult, R-16. Magkaiba ang perception.”

Gustuhin man daw niya na ilaban sana na maging R-16 ang My Father, Myself pero hindi siya nagtagumpay.

Aniya, “Siyempre, inilaban ko! Nagtalaktakan kaming lahat. Nagtalakan kami. Sa kahuli-hulihan, siyempre talo ako. Sila ang nanalo.

“Umuwi akong talo. Akin na lamang tinanggap na R-18 siya talaga. Hindi ako nakalusot sa aking pagpapaliwanag. Yon naman ay healthy dahil kailangan talaga na tumayo ang MTRCB sa kanilang pinaniniwalaan.

“Hindi maganda ang MTRCB na hindi maintindihan kung ano ang kanilang pinaniniwalaan. Sapagkat naniniwala sila na ito ay R-18, eh, sila ang masusunod. Kasi sila naman ang police ng state.

“Sila talaga ang police ng state upang kontrolin ang lahat ng napapanood ng tao. Iyan ay nasa saligang batas. So, wala kaming gagawin kundi lunukin. Lunukin ko kung ano man yung pagkatalo ko sa diskusyon.

“Pero hindi ako umalis na luhaan. Taas-noo pa rin akong lumabas ng kuwarto. Pinalakpakan nga nila ako, eh. Pero talo pa rin ako, R-18!” deklara ni Direk Joel.

Dahil R-18 ang My Father, Myself ay hindi ito maipapalabas sa mga sinehan ng SM.

“Ang dami ko nang ginawang MMFF. Ako ang may pinakamaraming MMFF na pelikula sa kasaysayan ng MMFF. Ito ang kauna-unahan kong MMFF na R-18. Napakagandang karanasan. Kasi, first time.

“Lahat ng Mano Po ko, MMFF. Bulaklak ng Maynila, MMFF. Hubog, MMFF. Mga award-winning eklay-eklay, MMFF. Pero ito lamang ang kaisa-isang R-18. Kaya isang malaking karangalan na ang pelikula ko ay R-18. Maraming salamat,” saad pa ng multi-awarded direktor.

“There’s always a first time. Marami namang sinehan na pagpapalabasan. Nariyan naman ang Ayala cinemas, nariyan ang Gateway, nariyan ang Masagana. Nariyan ang Robinsons, ‘di ba? Marami pang cinema na hindi lang SM, pero ang talagang pinakamaraming sinehan ay ang SM cinemas. Sila ang pinakamarami,” pahabol niyang pahayag.

Samantala, muling sumailalim si Direk Joel sa bypass operation noong Disyembre 5. Sabi ng kanyang doctor ay marami na ang bara sa kanyang puso kaya’t kailangan na niyang muling maoperahan. 2015 unang sumailalim sa by-pass procedure si Direk Joel.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *