Kampo ni Mommy Divine Geronimo, dumepensa sa mga alegasyon laban sa kanya
Nagsalita ang kampo ng ina ng Popstar Royalty na si Sarah Geronimo.
Dumepensa na ang isa sa mga staff ni Divine Geronimo — ina ng Popstar Royalty na si Sarah Geronimo — kaugnay sa mga isyu ng umano’y paglabag ng karapatan bilang isang manggagawa ng isa sa mga dating empleyado nito.
Una nang naghain ng pormal na reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang dating empleyado ni Divine. Samantala, isinapubliko naman nina Ogie Diaz at co-host nito na si Loi Villarama sa kanilang YouTube vlog ang nasabing isyu.
Ibinunyag nina Ogie na sinabi ng dating empleyado ni Divine na hindi ito nagbibigay ng overtime pay, double pay, at mga benepisyo. Hindi rin umano binibigyan ni Divine ang kanyang mga empleyado ng mga araw para makapagpahinga at hindi nito binibigay ang sweldo sa tamang oras.
Sa ngayon, hindi pa naglalabas ng pahayag si Divine kaugnay sa isyu.
Ipinakita rin nila ang “Notice of Conference” sa negosyong pagmamay-ari ni Divine na John Grasher Merchandising Inc.
Ayon sa inilabas na notisya, kinakailangang umattend ni Divine sa conciliation conference na nakatakdang ganapin sa ika-5 at 12 ng Enero.
“Sabi niya, desidido siyang ilaban ito hanggang huli kasi kung hindi niya ito gagawin, baka maulit at maulit lang daw do’n sa mga current at future pang empleyado,” pagbubunyag ni Mama Loi.
Samantala, sinabi naman ni Mama Loi na lumapit sa kanila ang isa sa mga kasalukuyang staff ni Mommy Divine upang linawin ang isyu. Tumawag umano ang naturang staff para sabihin na dating driver ng pamilya Geronimo ang naghain ng reklamo kay Divine.
Ayon pa sa staff ni Divine, nag-resign umano ang nasabing driver ngunit humingi ulit ng isa pang pagkakataon para makabalik sa serbisyo.
Makalipas lamang ang limang buwan matapos muling tanggapin ng pamilya nila, bigla na lang umano umalis ang driver nang hindi nagpapaalam. Iniwan lang umano nito ang mga susi ng sasakyan. Sinabihan din nito ang pamilya Geronimo na babalik lamang siya para kunin ang kanyang mga gamit.
Ayon pa sa staff, maraming nagawang kasalanan ang nasabing driver at meron din umanong ebidensya ang pamilya Geronimo na magpapatunay sa mga ito.
Pinabulaanan din ng staff ang mga akusasyon ng driver na hindi umano binayaran ni Divine ang kanyang huling buwan sa serbisyo. Sa katunayan, mayroon pa umano itong mga utang na dapat bayaran kay Divine.
Ayon pa sa kasalukuyang staff ni Divine, naantala lamang umano ang pamimigay ng sweldo dahil nasa farm si Divine noong mga panahong iyon.