Nadine Lustre, pang best actress ba sa pananakot sa ‘Deleter’?

Nadine Lustre, pang best actress ba sa pananakot sa ‘Deleter’?

Para sa aktres na si Nadine Lustre, bago para sa kaniya ang genre ng horror film.

Isa ang performance ng aktres na si Nadine Lustre sa pelikulang Deleter ang umeksensa ngayong taon sa 2022 Metro Manila Film Festival.

Ang Deleter ay ang horror movie entry ng Viva Films sa 48th Metro Manila Film Festival na patuloy pa rin na pinipilahan sa mga sinehan.

Mula sa kaniyang naging performance at magagandang reviews ng pelikula, isa ito sa mga napupusuan ngayon ng netizens na pang best actress performance.

“I guess ‘yung mga comments from the casuals na nakikita ko online, they’re really impressed, I guess, just because they see me in a different way e. Kasi sanay po ang mga tao [sa akin] as someone na nagpapakilig, nagpapatawa, nagpapa-iyak. So this time, it’s a different light so tingnan po natin and ayoko pong i-claim, hindi po ako ganun. Tingnan po natin kung ano ang mangyayari,” paliwanag ni Nadine.

Maugong man para sa award, no expectations umano ang aktres lalu pa at magagaling rin aniya ang ibang bituin na ibinigay rin ang kanilang kakaibang performance sa kani-kanilang mga pelikula.

“No expectations at all, but definitely, I did do my best. Kinarir ko po talaga ito kasi nga po sobrang excited po ako. Pero tingnan po natin kasi I’m sure marami rin pong magandang entries and I’m sure, marami rin pong magagaling na ibang actresses.”

Bukod sa usapin ng pagka-best actress, beyond thankful rin aniya ang aktres sa overwhelming support ng kaniyang fans at mga fans nila ng former boyfriend na si James Reid na nagbigay rin ng kanilang suporta sa kaniyang pelikula.

“I think for this film, lahat po kami talagang proud kami. Kasi best foot forward po kami; ‘yung lahat ng effort po namin, binigay po namin. Gaya nga po ng sinabi ko, dugo, pawis, kape, ‘yun po talaga ang binigay namin dito, so we’re all very very excited and we’re all very proud of Deleter,” pahayag ni Nadine.

No expectations rin sa awards si Mikhail Red na siyang direktor ng Deleter. Aniya, mas nananaig ang excitement niya na ibahagi sa mas maraming manunuod ang kanilang proyekto.

“Excited ako, very proud ako with the cast of their performances. Napaka-hirap ngang gawin ang horror, to shoot it, to craft it. Ang technical, ang dami. Pati sounds dapat OC ka doon. And acting in horror is very tough kasi you have to imagine things lalo na sa film na ito, ang daming compositings sa monitor so ang challenging,” ani direktor.

Proud rin aniya si Mikhail sa naging performance ng kaniyang mga artista at naniniwala siyang ibinigay nila ang kanilang best para mapaganda ang kanilang pelikula.

“Siguro doon pa lang sa effort namin, proud na ako, so no matter what happens, proud naman ako sa film. But yeah, wish us luck sana mapansin ang mga performances and ‘yung technicals namin na magka-award. But, happy na ako that we have a platform to reach a bigger audience,” pahayag pa ng direktor.

Sa official and unofficial tally ng Metro Manila Development Authority, na siyang may hawak sa pamumuno ng taunang film festival, isa ang Deleter sa top 4 grossing movies ng Metro Manila Film Festival kahanay ang Partners In Crime, Family Matters, at Labyu With An Accent.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *