REVIEW: ‘Family Matters’ punumpuno ng positive Filipino values

REVIEW: ‘Family Matters’ punumpuno ng positive Filipino values

Kukurot sa puso ang realidad ng mga eksena sa ‘Family Matters.’

Tungkol sa typical na ordinaryong pamilyang Pilipino ang istorya ng pelikulang Family Matters na isa sa pelikulang kasali sa 48th Metro Manila Film Festival.

Family Matters is written by Mel del Rosario and directed by Nuel Naval. Sinasalamin ng pelikula kung ano ang pinagdadaanan ng pamilyang sinusubok dahil sa magkakaibang pananaw ng apat na magkakapatid (Nonie Buencamino, Mylene Dizon, Nikki Valdez, at JC Santos) na may malaking impact sa pagtahak ng kanilang mga magulang played by Liza Lorena and Noel Trinidad patungo sa katandaan.

Malinaw na ilalahad ng pelikula ang nararamdaman ng mga magulang natin kapag nagkaka-edad na sila at pakiramdam nila ay wala na silang silbi sa kanilang mga anak physically.

Ilang beses kaming hindi sinasadyang napaiyak ng mga eksena sa pelikula dahil ramdam namin ang intensyon ng direktor sa naturang mga eksena. Hindi melodrama ang pelikula, pero kukurot sa puso mo ang realidad ng mga eksena.

Hindi rin maiiwasang makakaramdam ka ng takot na tumanda dahil sa pelikula. And mind you, kahit sinong magulang ay makaka-relate sa mga huling bahagi ng pelikula. At para naman sa mga anak, tiyak na mas lalo ninyong mamahalin ang inyong mga magulang kapag napanood ninyo ang pelikula.

Hindi nabigo ang direktor ng pelikula na ipakita ang magagandang Filipino values ng isang pamilya sa Family Matters. Halimbawa, ang halinhinang pagkupkop ng mga anak sa kanilang magulang at ang pagbabantay sa mga ito. Tayong mga Pilipino lang ang may ganyang ugali. Hindi natin basta na lang inilalagak sa institusyon para sa mga matatanda ang ating mga magulang.

Mula sa pagiging controlling ng karakter ni Nonie Buencamino dahil siya ang panganay sa apat na magkakapatid ay biglang naging soft ang kanyang pagkatao dahil sa isang self realization.

Very touching ang eksena nang humingi ng paumanhin si Noel kay Nonie dahil sa kama na siya inabutan ng pagdumi at hindi na kinayang magpunta pa ng banyo. Of course, bilang isang anak, Nonie guided Noel to the toilet and cleaned him up.

Isa pang maganda sa pelikula ay yung diniscuss kung ano ang nakakalimutan ng mga kabataan habang abala sila sa kanilang mga gadgets. May eksena sa pelikula na para mag-reconnect ang mga miyembro ng pamilya kasama ang mga apo ay kailanang bitiwan ang kanilang cellphone at ilagay sa isang bayong.

Dito nagsimulang magkuwentuhan at maglaro ang mga bata ng habulan, at iba physical sports na usually ay ginagawa nung panahon ng ating kabataan na hindi pa uso ang social media at mga high tech na gadgets.

With no offense meant sa ibang MMFF entries, para sa amin ang Family Matters ang perfect film for this Christmas season.

Bakit ka n’yo? Kasi, maraming Fiipino values ang mapapanood sa movie. Marami ring lessons and realizations din tayong maa-absorb sa pelikula na puwede nating maging gabay sa ating pagtanda.

Pagdating naman sa cast ng Family Matters, ang galing ng ensemble cast ng pelikula at lahat sila ay nag-deliver. Ang akala nga namin ay makakakuha sila ng acting merits sa MMFF Gabi Ng Parangal pero sadly, walang nanalo sa kanila ng award.

Marami din ang tiyak na makakarelate sa karakter ni Nikki Valdez na pangalawa sa bunsong anak na piniling alagaan ang kanyang mga magulang kesa bumuo ng sariling pamilya. Ibang klase ang kanyang dedikasyon sa pamilya.

Equally reliable din ang performance nina Mylene Dizon, isa sa anak nina Liza at Noel, at ni Agot Isidro na gumanap namang asawa ni Nonie.

Nakadagdag naman ng comic relief sa pelikula tuwing tatawaging “menopause baby” ng kanyang mga kapatid si JC Santos na bunsong anak ng pamilya.

Totoong-totoo ang mga eksena at mararamdaman ito ng audience tuwing may pinagdadaanang problema ang isang pamilya lalo na kung may kaugnayan ito sa pagkakasakit ng kanilang parents. Nakadagdag naman sa plot ng istorya para mas kumapal pa ito ang ang father and son conflict nina Nonie at panganay niyang si Ian Pangilinan.

Malaking tulong din ang appearance ng mga gumanap na apo nina Noel at Liza sa pelikula para makadagdag ito ng lalim sa gustong ipahatid ng pelikula.

Sayang nga lang at hindi man lang ito nanalo ng kahit 2nd or 3rd best picture sa nakaraang MMFF Awards Night. Pero magkaganunan man, patuloy pa ring tinatangkilik at pinapalakpakan sa mga sinehan ang pelikula. Enough validation na ito para sa producer ng Cineko na isang matinong obra ang kanilang inihandog sa mga tao.

Sana ay tangkilikin ng mga manonood ang Family Matters dahil ang pelikulang ito ay para sa bawat Pilipino na malaki ang pagpapahalaga sa pamilya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *