Ai-Ai delas Alas thankful na ‘nalahian’ ni Miguel Vera

Ai-Ai delas Alas thankful na ‘nalahian’ ni Miguel Vera

Masaya si Ai-Ai delas Alas sa buhay niya sa Amerika.

Taong 1998 nang maghiwalay sina Ai-Ai delas Alas at ang singer na si Miguel Vera at ngayon lang ulit sila magkakaroon ng pagkakataon na magsama sa isang concert. Pinamagatang Ang Dating Kami, gaganapin ang show ng ex-couple sa 16600 Civic Center Dr. Bellflower. CA 90706 sa January 21, 2023.

There will be two shows on this day – isang 3 pm at isang 8 pm.

“Sabi ni Miguel, parang na-miss ko ang entablado. Tapos first time ulit naming magsasama sa show sa buong buhay namin. Parang ang pagsasama namin before parang guesting lang pero hindi kami nag-show na back-to-back, never. Ngayon lang, first time,” kuwento ni Ai-Ai sa PUSH.

Eh, kumusta naman ba ang buhay ng ex-partner niya sa Amerika?

“Okey naman siya do’n. May asawa siya. Hindi naman siya mayamang-mayaman, pero comfortable ang life niya do’n. Parang kami lang ni Gerald,” sabay tawa ni Ai-Ai.

Anim na taon ding nagsama noon sina Ai-Ai at Miguel.

“Ipinanganak ko si Nikki (Nicolo) 1993, so mga 1992 kami nagsama. Bale parang six years din kami nagsama. Tapos yon, naghiwalay kami.

“Basta tandang-tanda ko October 1998 nung naghiwalay kami,” pagre-recall ng aktres.

Tinanong namin si Ai-Ai kung ano ang memorable experience niya noong karelasyon pa si Miguel.

“Eh, di yung pag-aaway namin noon, di ba?” diretso niyang sagot. “Kasi mga bata pa kami noon, so away-bati, away-bati.

“And siyempre, memorable sa akin na kung hindi dahil sa kanya wala akong magagandang anak. Kasi maganda yung genes ni Miguel. Ang kutis niya parang pang-Koreano kaya tingnan mo yung mga anak ko ang gaganda ng kutis.

“Kung sa akin sila nagmana, eh, hindi masyado. Kung lahi ko lang yon hindi naman masyadong kagandahan. Sobrang thankful ako kay Miguel kasi guwaping ang lolo mo. Kumbaga, nalahian ako ng guwaping,” pagbibida ni Ai-Ai.

Hindi pa rin maitago ni Ai-Ai ang paghanga sa husay sa pagkanta ng dating karelasyon.

“Hanggang ngayon napakaganda pa rin ng boses niya. Ang galing pa rin niyang kumanta,” sabi pa niya.

Pero hindi raw naman dahil sa boses ni Miguel kaya siya na-in love dito noon.

“Hindi naman…. Hindi dahil don. Magkaibigan kami niyan, eh. Pero nung una, bwisit na buwisit ako diyan kasi napakasuplado. Suplado yang si Miguel, eh.

“Hindi siya yung warm na tao. Pero pag naging kaibigan mo na siya nakakatuwa rin. Kami brod-brod kami niyan kasi pareho kami dati ng manager.

“Hindi naman niya ako crush dati. Ano lang, parang lokohan lang don nag-start yon. Tsaka siyempre, malandi ako,” biro pa niya.

Ang kantang “Nais Ko” ang signature hit song ni Miguel Vera na hanggang ngayon ay kinakanta pa rin ng mga Pilipino. Sa side naman ni Ai-Ai ay aminado siya na hindi siya pinalad magkaroon ng hit song.

“Yon na nga, sabi ko pantay talaga si Lord. Never talaga akong nagkaroon ng sumikat na kanta. Maraming beses akong nag-attempt, napakadaming beses – album talaga at may pumapatol sa aking recoding outfit, ang dami, Star Records, pero Diyos ko, wala man lang akong sumikat na kanta.

“Sabi rin ni Boy Abunda, ‘Oo nga, bakit ba?’ Di ba si Ama (tawag kay Kuya Boy) manager ko siya, parang hindi na talaga namin maisip kung anong gagawin namin para sumikat yung kanta ko.

“Siguro, ayaw talaga nila akong singer dahil hindi naman talaga maganda yung boses ko ‘no? Mas gusto talaga siguro nila akong artista,” diin pa niya.

Seven straight months nang naninirahan sa Amerika si Ai-Ai dahil isa na siyang greencard holder. Ano ba ang nami-miss niya sa Pilipinas?

“Nami-miss ko rin dito yung mga perks, like merong nagluluto for me, may nagda-drive for me. Doon nai-enjoy ko naman yung discipline ng kapaligiran – sa driving.

“For good na talaga ako doon kasi gusto ko nang maging US citizen. Iniipon ko na yung mga number of days ko doon.

“Pero alam mo, nami-miss ko rin talaga ang pag-aartista. Gusto ko yung bino-blower yung buhok ko, mine-make-up-an ako. Nami-miss kong maging artista.

“Kasi siyempre sa Amerika kanya-kanya, eh. Sariling sikap di ba? Kaya dito pagdadating ako, ‘Ay, artista na ulit ako!’” bulalas niya.

“Sa Amerika pag masipag ka maganda naman ang buhay mo do’n. Ang mga perks lang kasi natin dito na akala ko dati hindi ko kaya, yung wala kang katulong, wala kang yaya, wala kang driver, pero later on masasanay ka din kung ano yung buhay mo do’n,” dagdag ni Ai-Ai.

May day job si Ai-Ai sa Amerika pero nakiusap siyang huwag na lang isulat ang nature ng kanyang trabaho doon. Basta walong oras daw ang kanyang office work.

“Pag pumasok ako ng 8:30 a.m. lalabas ako ng 5. Nung una medyo mahirap mag-adjust pero nasanay na rin ako. Tapos kunyari matagal na ako dito sa Pinas, nami-miss ko naman yung gigising ako nang maaga, papasok na ako. Tapos pag-uwi ko maglilinis ako ng bahay, maglalaba ako,” she said.

Kung papipiliin, saan ba talaga niya gustong manirahan? Sa Amerika o dito sa Pilipinas?

Tugon niya, “Nung buhay pa ang nanay ko – dito. Pero since wala na yung nanay ko – doon ako. Gusto ko do’n.”

Anyway, para sa ticket inquiries ng Ang Dating Kami show nina Ai-Ai at Miguel sa Amerika ay tumawag lamang or mag-text sa 714-322-3528, 818-210-9190 at 626-991-2455.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *